Nasawi ang isang mag-asawa at kanilang anak, pati na ang isang rider nang araruhin sila ng isang fuel tanker na bumangga pa sa isang bahay sa Bacong, Negros Oriental.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na sina Ruel Pascual, asawa niyang si Analie, at kinse-anyos nilang anak na si Shelly.

Nasawi rin si Meliton Blanco, na nagmamaneho ng motorsiklo. Habang sugatan din ang isa pang rider na si  Wilson Kial.

Nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver ng tanker na si Albert de Baguio na patungo umano sa lungsod ng Dauin.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing nawalan ng kontrol sa manibela si de Baguio nang sumabog ang isang gulong sa unahan ng tanker.

Dahil dito, napunta ang tanker sa kabilang bahagi ng kalsada at nahagip ang mga biktima na sakay ng kani-kanilang motorsiklo.

Isang poste, isang bahay at isang puno rin ang nahagip ng tanker bago ito tuluyang tumigil.

Labis-labis naman ang paghingi ng tawad ni de Baguio sa nangyaring aksidente. --FRJ, GMA Integrated News