Patay ang isang ginang at dalawa niyang anak, habang sugatan ang kanilang padre de pamilya at isa pang anak nang sumalpok sa puno ang kanilang kotse sa Limay, Bataan.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, makikita sa CCTV footage na tinatahak ng mga biktima ang palikong bahagi ng Roman Highway sa Barangay Alangan nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Police Major Dennis Duran, hepe ng Limay Police Station, iniimbestigahan nila kung human error o mechanical error ang dahilan ng trahedya.

Aalamin kung nakainom o nakatulog habang nagmamaneho ang padre de pamilya, o kung nagkaroon ng aberya sa makina dahil may kalumaan na ang sasakyan.

Tumanggi muna ang kaanak ng mga biktima na magbigay ng pahayag tungkol sa nangyaring trahedya, ayon sa ulat. — FRJ, GMA Integrated News