Gumuho ang isang bahagi ng kalsada sa Calbayog City, Samar matapos bumaha dahil sa malakas na ulan kahapon, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.
Hindi raw kinaya ng kalsada ang bigat ng tubig na naipon sa gitna nito kaya tuluyan itong bumigay.
Dahil dito, hirap ngayon ang mga residente sa pag-uwi dahil ang nasabing kalsada ang nagko-konekta sa apat na barangay.
Apela ng mga apektadong residente sa mga otoridad, makapagpagawa sana ng mas maayos at ligtas na kalsada.
Binisita na ng mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) ang lugar para sa nakatakdang pagsasaayos ng gumuhong kalsada. —KBK, GMA Integrated News