Patay ang isang 36-anyos na lalaki matapos siyang mabangga ng isang motorsiklo na minamaneho ng isang 15-anyos na rider sa Balayan, Batangas.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Gabriel Banagsagan, residente ng Barangay Lanatan.
Ayon sa pulisya, tumatawid ang biktima sa national highway sa nasabing barangay nang mabangga siya ng motorsiklo.
Mabilis umano ang takbo ng motorsiklo at may kadiliman sa lugar kaya posibleng hindi napansin ng rider ang biktima.
Dead on arrival sa pagamutan ang biktima, habang sugatan din ang rider.
Paalala ng pulisya sa mga magulang, huwag hayaan ang mga menor de edad na anak na magmaneho ng motorsiklo lalo na sa gabi.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima at rider, ayon sa ulat. — FRJ, GMA Integrated News