Si Simeon Gabutero, ang lalaking sinasabing nagbenta ng cellphone ng 19-anyos na biktima na si Rhea Mae Tocmo, ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen, ayon sa pulisya ng Cebu City. Ang dalawa, mayroon umanong relasyon.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing ang pagtukoy ng pulisya kay Gabutero bilang nasa likod ng krimen ay batay sa resulta ng DNA test.
Ayon kay Police Colonel Ireneo Dalogdog, Cebu City Police Office Director, nag-match ang specimen na vocal swab kay Gabutero, at ang nakuhang "bagay" na nasa kuko ni Tocmo.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Dalogdog na ang resulta ng DNA test, ay sumusuporta sa CCTV footages na nakalap ng mga imbestigador at testimonya ng mga saksi.
Sinabi ni Police Major Angelito Valleser, hepe ng Labangon Police Station 10, na lumalabas na nag-away sina Gabutero at Tocmo noong gabi ng July 16, 2023.
Kinompronta umano ni Gabutero si Tocmo tungkol sa mga Facebook account nito, at pagsisinungaling umano ng biktima na nasa paaralan ito sa Davao City.
Sabi pa ni Valleser, na nabanggit din umano ni Gabutero na nagpapadala ito ng pera kay Tocmo sa kabila ng maliit na sahod sa pagiging construction worker.
Nang gabing mag-away umano ang dalawa, inipit umano ni Gabutero sa leeg si Tocmo sa pamamagitan ng braso at sinakal.
Pinaniniwalaan na ang "bagay" na nakita sa kuko ni Tocmo na ginamit sa DNA test ay mula sa pagkapit ng biktima sa taong gumawa sa kaniya ng krimen.
Lumilitaw din umano sa imbestigasyon na December 2022 nagsimula ang relasyon nina Gabutero at Tocmo sa pamamagitan ng Facebook, ayon kay Valleser.
Ayon pa sa opisyal, nang malaman ni Gabutero na nasa Cebu si Tocmo noong July 16, 2023, pinapunta ng suspek ang dalaga mula sa Mandaue City patungo sa Banawa.
Nagkita umano ang dalawa sa isang paupahang lugar kung saan nangyari ang krimen.
Matatandaan na July 17, 2023, nang makita ang bangkay ng isang babae na isiniksik sa isang kahon na iniwan sa gilid ng kalsada sa Barangay Tisa, Cebu City. Nakilala kinalaunan ang biktima na si Tocmo.
Nitong nakaraang linggo, itinanggi ni Gabutero na siya ang pumatay sa dalaga at itinanggi niya na kilala niya si Tocmo.
Inialok pa niya ang sarili bilang testigo sa idiniin niyang suspek na si Roberto Gabison, alias “Insik,” ang taong nag-utos umano sa kaniya na ibenta ang isang cellphone na lumalabas na cellphone ng biktima.
Nauna namang itinanggi ni Gabison na sangkot siya sa krimen, bagaman inamin niyang gumagamit siya ng ilegal na droga na dahilan ng pagkakaaresto sa kaniya.
Nitong Huwebes, naghain umano ng extra-judicial confession si Gabutero sa Cebu City Prosecutor’s Office, at inaamin niya ang pagpatay kay Tocmo.
Pero tumanggi naman si Gabutero na magbigay ng pahayag sa mga mamamahayag.
Nilinaw din ng pulisya ng Cebu City na walang kinalaman sa krimen ang kaibigan ni Tocmo na si Jewel Smith.--FRJ, GMA Integrated News