Naminsala ang mga kuhol o golden snail sa ilang palayan matapos ang pagbaha sa Marcos, Ilocos Norte.
Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Miyerkoles, makikitang halos naubos ang tangkay ng mga palay dahil sa pamemeste ng mga kuhol.
Pinatutuyo na lamang ng mga magsasaka ang mga palay para maiwasan ang pagdami ng kuhol.
Sinabi ng municipal agricultural office na ilang araw nababad sa baha ang mga taniman na dahilan ng madaling pagdami ng mga kuhol.
Base sa datos ng munisipyo, nagkakahalaga ng P49 milyon ang pinsala sa agrikultura ng nagdaang Bagyong Egay. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News