Sinibak sa puwesto ang siyam na pulis, pati ang hepe ng Imus, Cavite Police, dahil sa puwersahang pagpasok sa bahay ng isang 67-anyos na babae na dating propesora na sangkot umano sa ilegal na droga. Tinangay pa raw ng mga pulis ang ilang gamit sa bahay at pera.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ni Lieutenant Colonel Michael Batoctoy, hepe ng Imus Police, na natanggap na niya ang relief report.
Tanggap daw niya ang naturang pasya na bahagi ng isasagawang administrative investigation ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
Sa kuha ng CCTV footage sa labas ng bahay ni Rebecca Caoile, sa Barangay Alapan 1-A, makikita ang pagdating ng mga pulis at puwersahang sinira ang pinto para makapasok.
Mga tauhan umano ng PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG) Unit ang mga pulis na nagsasagawa ng buy-bust operation laban kay Caoile, na dating collage professor.
Mag-isa lang si Caoile sa bahay at madidinig ang paghingi niya ng tulong habang tinatangka pa ng mga pulis na mapasok ang kaniyang bahay.
Makikita na may pulis na naghahalungkat sa nakaparadang motorsiklo sa labas ng bahay. Nang makapasok ang mga pulis, makikita na may bitbit na silang gamit nang lumabas.
Inaresto rin nila si Caoile.
Ayon kay Cavite PPO director Colonel Bernard Christopher Olazo, nakita niya ang nag-viral na video. Sinabi niyang inalis na sa puwesto ang mga sangkot na pulis at sasampahan ng kaukulang reklamo.
“Nakita po natin na pagkatapos nila mag-conduct ng operation nagawa nilang pagnakawan pa yung nahuli nilang suspek sa ilegal na droga,” ani Olazo.
Ayon kay Juan Caoile, anak ng dinakip na babae, tinangay ng mga pulis ang pera niyang P80,000, laptop, at mga tools.
Nagtanim din umano ng droga ang mga pulis na ginawang ebidensiya, at wala rin umanong search warrant ang mga awtoridad.
“Tinalo pa nga ho nila ang kriminal kasi ang kriminal hindi ganoon magnakaw patago. Eh sila, harap-harapan. Broad daylight,” ani Juan.
Itinanggi naman ng Imus City police ang mga alegasyon at iginiit na nasa barangay drug watchlist ang suspek.
Mahigit P100,000 na halaga umano ng shabu ang nakuha sa suspek.
Gayunman, nakalagay sa "spot report" ng mga pulis na ginawa ang buy-bust operation noong August 2 sa ng 8:00 p.m. Pero makikita sa CCTV footage na maliwanag pa nang mangyari ang pagsalakay.
Ayon kay Olazo, patuloy pa ang isinasagawa nilang imbestigasyon sa insidente.--FRJ, GMA Integrated News