Nasawi ang isang katao at tatlo ang sugatan matapos maganap ang isang pagsabog sa restobar sa Davao City.

Love triangle o crime of passion, isa sa mga tinitingnang anggulo sa krimen.

Sa ulat ng Super Radyo Davao, na iniulat din sa Balitanghali nitong Martes, sinabing isa sa mga biktima ang nakapansin sa isang puting plastic sa labas ng establisyimento.

Nang pulutin ang plastic, dito na ito sumabog.

Dinala sa pagamutan ang mga sugatan, kung saan isa ang idineklarang dead on arrival.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin at uri ng pampasabog na ginamit sa insidente. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News