Isang bagong silang na sanggol na nakasilid sa eco bag na nakasabit sa motor ang natagpuang buhay sa Lapu-Lapu City sa Cebu.
Kuwento ng may-ari ng motor na si Jofil Yongco, paalis na sana siya nang makita niya ang eco bag na nakasabit sa handlebar, ayon sa ulat ni Kaitlene Rivilla, host ng GMA Regional TV Early Edition, sa Unang Balita nitong Martes.
Akala raw niya ay basura ito.
"Akin na sanang ihahagis, ihagis ko na sana doon. 'Yung pagdating ni Sir. Kaya 'yun, dinala ko pabalik at hinagis ko diyan. Pag-on ng motor, gumalaw," ani Yongco, base sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak.
Agad nilang itinakbo sa ospital ang babaeng sanggol.
Sa pagsusuri ng Lapu-Lapu City Hospital, napag-alaman na nasa tamang buwan ang sanggol at wala itong kahit anong sugat.
"Meron siyang something na itinago. Hindi natin ma-identify if ano ang kaniyang itinago. Ngunit meron siyang dalang payong," ani Police Staff Sergeant Dianne Bacay, Women and Children Protection Desk investigator ng Station 3 ng Lapu-Lapu City Police Office.
Samantala, nakatakdang i-turn over sa Department of Social Welfare and Development ang sanggol. —KG, GMA Integrated News