Pitong bahay ang natanggalan ng bubong dahil sa isang buhawi sa Pasuquin, Ilocos Norte, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Kuwento ng isang residente, nakarinig siya ng malakas na hangin at pagkatapos ay natanggal ang mga bubong na yero ng kanilang bahay. Pati raw kanilang pintuan ay natanggal din.

Isang tangke ng water pump sa lugar ang natumba dahil din sa lakas ng hangin.

Kabilang din sa mga nasira ng buhawi ang babuyan ng ilang residente.

Wala namang naitalang sugatan sa pananalasa ng buhawi.

Nagsagawa na ng assessment ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa mga apektadong bahay. —KBK, GMA Integrated News