Isa ang nasawi habang nasagip ang mahigit 100 pasahero at limang crew ng isang motorbanca matapos itong mabutas at lumubog sa gitna ng dagat sa Romblon.
Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitng Sabado, sinabi ni Corcuera Mayor Elmer Fruelda na nagmula sa Calatrava ang bangka at papuntang Simara Island.
Base sa paunang impormasyon, dumalo sa isang summer youth camp ng simbahan sa bayan ng Odiongan ang ilang kabataan.
Nailigtas ng NDRRMO provincial government at Coast Guard ang iba pang mga sakay.
Sinabi ni Mayor Fruelda na tinitingnan ng mga awtoridad ang anggulong overloaded ang bangka.
Ayon sa mga awtoridad, nasa 60 hanggang 80 na katao umano ang kapasidad nito ngunit mahigit 100 ang sakay.
Ngunit ayon naman sa Coast Guard, pasok ito sa passenger capacity ng bangka, ngunit tinitingnan pa kung may kinalaman ang bigat ng cargo ng motorsiklo kaya ito napasok ng tubig. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News