Inaresto ng mga awtoridad ang isang mister at isang babae na nahuling magkasama sa isang motel sa Mandaue City sa Cebu. Ang nagsumbong sa mga pulis, ang misis ni mister.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing naaresto ang 51-anyos na mister at 58-anyos na kasama nitong babae noong Linggo.
Bago nito, isang babae na 50-anyos na nagpakilalang misis ng lalaki ang nagreklamo sa kapulisan tungkol sa kaniyang mister na nag-check in sa motel na kasama umano ang kalaguyo nito.
Ayon sa awtoridad, sinubaybayan umano ng misis ang kaniyang mister hanggang sa makita niya itong pumasok sa motel at doon na nagsumbong sa pulisya ang babae para ipaaresto ang dalawa.
Aminado naman ang babae tungkol sa relasyon nila ng lalaki pero handa na raw niyang putulin ito.
Hindi naman nakuhanan ng pahayag ang mister na natutulog sa selda nang sandaling iyon.
Mahaharap ang dalawa sa reklamong concubinage. --FRJ, GMA Integrated News