Habang tinitingnan ng mga residente ng San Leonardo, Nueva Ecija ang mga bitak sa dike na nasa likod ng kanilang bahay, hindi nila inasahan na tuluyang itong bibigay at madadamay ang ilang kabayan na kasamang nilamon ng ilog.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Pampanga River na sakop ng Barangay Adorable sa San Leonardo.
Sa video, makikita ang ilang residente na itinuturo pa ang bitak sa dike. Maya-maya lang, narinig na ang lagitik ng mga yero.
Nang lalo pang lumaki ang bitak sa lupa, kapansin-pansin na nabawasan ang tubig sa ilog at dumausdos na ang nasa limang bahay at kinain ng ilog.
Hinala ng mga residente, napinsala ang dike dahil walang tigil na buhos ng ulan nitong nakalipas na mga araw.
Nasa 28 pamilya ang inilikas at pansamantalang tumutuloy sa evacuation center.
Sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat ang mga residente na walang napahamak sa pangyayari.
Pinagbabawalan na ang mga residente bumalik sa kanilang bahay na nasira dahil lubhang mapanganib.
Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng pabahay sa mga apektadong pamilya.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman kung ano ang dahilan ng pagkasira ng dike.--FRJ, GMA Integrated News