Dalawang lalaki na hinihinalang may kinalaman sa pagpatay sa 19-anyos na si Rhea Mae Tocmo na isinilid sa karton ang bangkay ang nadakip ng mga awtoridad sa Cebu City.
Sa ulat ni Allan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bistak nitong Lunes, kinilala ang mga suspek na sina Simeon Cabutero, at Roberto Gabison, alias Insik.
Ayon sa pulisya, unang naaresto si Cabutero matapos na mahulihan ng ilegal na armas. Kinalaunan, natukoy na siya ang nagbenta sa smartphone ng biktimang si Tocmo.
Sa pagpatuloy ng imbestigasyon, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Janette Rafter, deputy director for operations ng Cebu City Police Office (CCPO), itinuro ni Cabutero si Gabison, na siyang nag-utos sa kaniya at nagpabenta ng naturang cellphone.
Nang arestuhin si Gabison, may nakuha pa umano rito na ilegal na droga.
Bagaman inamin ni Gabison ang pagkakasangkot sa ilegal na droga, mariin niyang itinanggi na may kinalaman siya sa pagpatay kay Tocmo.
Sinabi naman ni Rafter na patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon para malaman kung paano napunta kay Gabison ang cellphone ng biktima, at sino pa ang sangkot sa krimen.
Matatandaan na July 17 nang makita ng isang naglilinis sa kalsada ang karton na may bahid ng dugo na iniwan sa gilid ng daan sa Barangay Tisa, Cebu City.
Nang suriin ang laman ng karton, tumambad ang katawan ni Tocmo na mula sa Davao de Oro, nagpunta sa Cebu para magtrabaho.--FRJ, GMA Integrated News