Malungkot ang wakas sa halos isang linggong paghahanap sa isang 17-anyos na babae sa Naga, Camarines Sur na patay na nang matagpuan.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabing nakita ang bangkay ng biktima sa isang masukal na bakanteng lote.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bumili ng pagkain ang biktima dakong 8:00 pm noong July 22 pero hindi na siya nakauwi.
Positibong kinilala ng mga kaanak ang kaniyang bangkay na si Roselle Bandojo.
READ: 17-anyos na babae, nakitang patay sa masukal na bakanteng lote sa Zamboanga City
READ: 17-anyos na babae na nakitang patay sa Negros Oriental, maghahanap lang sana ng pera para sa inang nasa ospital
Mayroon na umanong person of interest ang mga awtoridad, habang naglaan ang lokal na pamahalaan ng P100,000 bilang pabuya para sa madakip ang suspek.
Una nang iniulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia ang pagkawala ni Rosella noong Huwebes, kung saan ipinakita ang kuha ng CCTV camera na nahagip ang dalagita habang tumatawid ng kalsada.
Umuulan nang sandaling iyon kaya nakapayong ang biktima. Gayunman, pagkatapos tumawid ay muling bumalik ang dalagita sa kabilang bahagi ng kalsada at hindi na muling nakita.
Sa nakalipas na ilang araw, dalawang babae rin na edad 17 ang iniulat na nawala at natagpuang patay sa Zamboanga City at sa Negros Oriental.
Sa Valencia, Negros Oriental, nakita ang bangkay ni Anna Jean Dela Cruz na may nakapalupot na bra sa leeg sa isang bakanteng lote sa Barangay Caidiocan sa Valencia.
Umamin sa krimen ang kaniyang amain na si Mitchiel Diego.
Ilang araw makalipas nito, nakita naman na patay din sa bakanteng lote sa Barangay Pasabolong sa Zamboanga City ang isa ring 17-anyos na babae na hindi rin nakauwi matapos magpaalam sa kaniyang mga magulang na pupunta sa kaklase para magsauli ng gamit.
Bagaman may suot na damit at pantalon ang biktima, may nakitang underwear malapit sa bangkay nito at may hawakan ng ecobag sa kaniyang leeg.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang krimen at isasailalim sa awtopsiya ang kaniyang labi.--FRJ, GMA Integrated News