ATIMONAN, Quezon - Dead on the spot ang isang motorcycle rider at ang isang angkas nito matapos nilang makasalpukan ang isang pampasaherong bus sa Maharlika Highway, Barangay Tagbakin, Atimonan, Quezon dakong ala-una ng madaling araw nitong Sabado.

Kritikal naman ang kondisyon ng isa pang angkas na ngayon ay ginagamot sa Doña Martha Hospital sa Atimonan.

Ayon sa report ng Atimonan Municipal Police Station, galing Maynila at patungong Bicol ang isang unit ng Alps Bus nang mangyari ang aksidente.

Walang helmet at nakainom raw ng alak ang tatlong magkaka-angkas sa motorsiklo.

Nang-agaw raw ng linya ang motorsiklo na naging dahilan para masalpok sila ng bus.

Sa tindi ng salpukan ay tumilapon ang mga biktima.

Mabilis naman na na-rescue ang sugatan at kaagad naisugod sa pagamutan.

Hawak ngayon ng Atimonan Municipal Police Station ang driver ng bus. Wala pa siyang pahayag. —KG, GMA Integrated News