Patay na nang makita ang isang 13-anyos na babae habang patuloy na hinahanap ang kaniyang ina matapos silang tangayin ng agos sa isang sapa sa Pilar, Abra.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing tumatawid ng sapa ang dalagita at ang kaniyang 51-anyos na ina nang bigla silang tangayin ng malakas na agos ng tubig.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, galing ang mag-ina sa kabilang bahagi ng sapa sa bahagi ng Barangay Baliuag para tingnan ang mga alagang kambing nang mangyari ang insidente.
Samantala, nakita namang patay sa gilid ng kalsada ang isang 62-anyos na lalaki sa Barangay San Miguel sa Bucay, Abra.
Umapaw umano ang sapa at umabot ang tubig sa kalsada at posibleng nadapa ang biktima.
Sa huling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Counci ng Abra, tatlo ang nasawi sa lalawigan, apat ang nasugatan, at isa ang nawawala dahil sa bagyong "Egay."
Tinatayang nasa P26 milyon naman ang pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultra.
Nagdeklara na ng state of calamity sa Abra sa bisa ng isang resolusyon. --FRJ, GMA Integrated News