Ilang araw matapos makita ang bangkay ng isang 17-anyos na babae sa Negros Oriental, isa namang 17-anyos na babae sa Zamboanga City ang natagpuan ding patay sa isang bakanteng lote.

Sa ulat ni Krissa Dapitan ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nakita ang bangkay ng biktima sa isang masukal na bakanteng lote sa Barangay Pasabolong noong Miyerkules ng hapon.

Bagaman may suot na damit at pantalon ang biktima, may nakitang underwear malapit sa bangkay nito at may hawakan ng ecobag sa kaniyang leeg.

Nasa tabi rin ng bangkay ang ilang gamit ng biktima tulad ng sapatos at camera.

Ayon sa ina ng biktima, nagpaalam noong Martes ang kaniyang anak na pupunta sa kaklase para magsauli ng damit pero hindi na nakauwi.

Hanggang sa nakatanggap sila ng impormasyon na isang bangkay ng babae ang nakita sa kanilang lugar na 300 metro ang layo mula sa kanilang bahay.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at isasailalim sa awtopsiya ang labi ng biktima para alamin kung ginahasa ang dalagita.

Hustisya naman ang hiling ng nagdadalamhating ina ng biktima.

"Sobrang sakit, ang sakit po talaga. Sana kung sino man ang gumawa nu'n, kung may kasalanan ba ang anak ko, yung taong inonsente dinadamay sa mga karumal-dumal na pangyayari," hinanakit niya.

Kinondena ni Mayor John Dalipe ang sinapit ng biktima, at inatasan ang Zamboanga City Police Office na lutasin ang krimen.

“I will not tolerate this blatant display of murderous aggression against our youth and this act of violence against our people and our communities,” saad ni Dalipe sa Facebook post.

Nito lang nakaraang Linggo, natagpuan naman sa masukal na lugar sa Barangay Caidiocan sa Valencia,Negros Oriental, ang bangkay ng isa ring 17-anyos na babae na si Anna Jean Dela Cruz.

Lumitaw na suspek sa krimen ang amain ng biktima na si Mitchiel Diego, na unang sinagip matapos na mahulog sa bangin.

Sinabi ni Diego sa pulisya na may tinatakasan siyang mga armadong lalaki kaya siya nahulog sa bangin.

Kasunod nito ang pag-amin ng suspek sa ginawa niya sa biktima. Lumitaw sa imbestigasyon na gumagamit ng bawal na gamot si Diego. --FRJ, GMA Integrated News