Nasawi ang apat na magkakaanak sa Benguet matapos matabunan ng lupa mula sa bundok ang kanilang bahay dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng bagyong "Egay."
Sa ulat ni Joan Ponsoy ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing natutulog ang mga biktima nang mangyari ang pagguho ng lupa sa kanilang tahanan sa Buguias, Benguet.
Apat sa nakatira ang nasawi, habang nakaligtas ang limang iba pa.
Ayon kay Abner Lawangen, Benguet, DRRM Officer, natutulog na ang pamilya nang bumuhos ang malakas na ulan at dumausdos ang lupa mula sa bundok na malapit bahay ng mga biktima.
Nagdulot din ng matinding pinsala ang ulan at malakas na hangin sa Baguio City matapos matumba ang ilang poste na dahilan para mawalan ng suplay ng kuryente.
Nagkalat din ang mga natumbang puno sa Burnham Park.
Nangangamba naman ang mga nagtatanim ng strawberry at lettuce sa La Trinidad na malugi matapos masira ang kanilang mga tanim na nalubog sa tubig. —FRJ, GMA Integrated News