Maghahanap lang sana ng pera na pambili ng dugo ng kaniyang inang nakaratay sa ospital ang 17-anyos na babae na nakita ang bangkay na may nakapalupot na bra sa leeg sa liblib sa bahagi ng Barangay Caidiocan sa Valencia, Negros Oriental.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng Balitang Bistak sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Anna Jean Dela Cruz, residente Barangay Lutay sa bayan ng Tayasan.

Suspek sa krimen ang amain ng biktima na si Mitchiel Diego, na umamin umano sa krimen.

Ayon sa pulisya, naunang sinagip si Diego matapos na mahulog sa bangin at masugatan.

Kinalaunan, inamin umano nito ang ginawang pagpatay kay Anna Jean, na kasama niya sa paghahanap ng pera para sa dugo na kakailanganin ng ina ng biktima na nasa ospital.

Batay umano sa pahayag ng suspek, nahulog siya sa bangin habang tinakasan ang mga armadong lalaki na humahabol sa kaniya.

Itinanggi niya na ginahasa niya ang biktima, at sinabing ang biktima rin umano ang nag-utos na patayin niya ang dalaga.

Inamin din naman ng suspek na gumagamit siya ng ilegal na droga.

Ayon sa pulisya, lumilitaw sa kanilang imbestigasyon na sa halip na maghanap ng pera, dinala ng suspek ang dalagita sa liblib na lugar para pagsamantalahan.

Isasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng biktima.

Nasa kostudiya ng pulisya ang suspek na mahaharap sa kasong rape with homicide.--FRJ, GMA Integrated News