Limang construction workers ang nasawi, habang dalawa pa nilang kasamahan ang nasugatan matapos na bumigay ang ginagawa nilang 43-meter steel bridge sa Davao City nitong Lunes.

Ayon kay Rgil Relator ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, naglalagay umano ng side panel ng tulay sa Barangay Malamba sa Marilog District ang mga manggagawa nang bigla itong bumagsak.

Tatlo pang manggagawa ang nakaligtas nang makaalis kaagad sila sa tulay bago ito bumagsak.

Kinilala ang mga nasawi na sina Rolando Abing, Jay Bangonan, Jimboy Liga, Cris Napao at Elmer Samson.

Sugatan naman sina Meljay Pero at Jonathan Dispo.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng pagbigay ng tulay.

Ayon umano sa contractor ng tulay, nasa 70 percent na tapos na ito, na magiging kapalit sana sa hanging bridge na tatlong dekada na umanong ginagamit ng mga tao.

Nangako umano ang contractor na sasagutin ang gastusin sa mga manggagawang nasawi.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabi ni Police Captain Hazel Tuazon, spokesperson, Davao City Police, gumagamit ng boom truck ang mga biktima na nasa gitna ng tulay nang mangyari ang insidente.

 

 

Aniya, ngayong Martes lang nakuha ang katawan ng tatlo sa mga nasawi.

Malubha rin umano ang kalagayan ng isa sa dalawang nasugatan. --FRJ, GMA Integrated News