Duguan at patay na nang madatnan ng mga pulis ang dalawa nilang kasamahan sa loob ng police station ng Narvacan, Ilocos Sur. Hinihinala na binaril ng isang pulis ang kaniyang kasamahan bago nito binaril din ang sarili.

Sa ulat ni Ivy Hernandez sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, kinilala ang nasawing mga pulis na sina Police Corporal Jeric Ace Abaoag, 29-anyos, at Patrolman Jose Mendoza, 27-anyos.

Nakita ang bangkay ng dalawa sa third floor ng police station na nagsisilbing tulugan ng mga pulis.

Tatlong putok ng baril ang nadinig bago madiskubre ang bangkay ng dalawa.

Ayon kay Police Colonel Jugith del Prado, director ng Ilocos Sur Police Provincial Office, posibleng nagbaril sa sarili si Mendoza makaraang barilin si Abaoag.

“Si Mendoza, 'yon yung nakikita natin na after niyang barilin si Abaoag, binaril din niya yung sarili niya… since tatlo kasi yung putok, si Abaoag, 'yon yung ipapa-examine pa natin kung tinamaan ba siya habang nakatalikod o nakaharap kasi tatlong putok,” ayon kay Del Prado.

Nang makita ang bangkay ng dalawa, nakita na si Mendoza lang ang may hawak ng baril.

Wala rin umanong narinig na pagtatalo sa dalawang pulis bago nangyari ang pamamaril.

"Hindi pa namin alam yung totoo pero na-observed lang nung mga kasama na parang stress siya," sabi ni Del Prado.

Ayon kay Police Major Alexander Dangli, hepe ng Narvacan Police Station, pinanatili niya si Mendoza sa police station upang doon na magpahinga matapos gawin ang hinahawakang kaso. 

“Actually tapos na kagabi pero sinabi ko siyempre pagod 'pag papaalisin ko  ng gabi tapos pagod, baka maaksidente pa sa daan…bukas na lang. Tapos extend mo na rin ng isang araw yung off mo,” ayon kay Dangli.

Wala namang nakikitang kapabayaan ang Police Provincial Office sa nangyari pero pinag-aaralan na alisin sa puwesto si Dangli habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Naiintindihan naman daw ni Dangli kung alisin siya sa puwesto na parte ng imbestigasyon.

"May failure din ako kasi hindi ko nakita agad kahit biglaan," ani Dangli na labis na ikinalungkot ang nangyari sa dalawa nilang kasamahan.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang pamilya ni Abaoag, habang sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ni Mendoza, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News