Namatay ang 10 kambing, na buntis pa man din ang iba, matapos silang malason dahil sa abono o fertilizer sa Marcos, Ilocos Norte.
Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing panlulumo ang naramdaman ng tagapag-alaga ng mga hayop nang magkakasunod na namatay ang mga kambing.
Una nitong nadiskubre na wala nang buhay ang dalawang lalaking kambing. At makalipas ang ilang minuto, sunod-sunod na ring nagtumbahan ang walo pang kambing na mga buntis.
Nang suriin ang baldeng pinag-inuman ng mga hayop, natuklasan na may nakahalong abono sa tubig.
Hinala ng nag-aalaga, sadyang nilason ang mga kambing.
Kinumpirma ng Municipal Agricultural Office na pagkalason ang ikinamatay ng mga kambing.
Nagsasagawa ng imbestigasyon kung sino ang lumason sa mga ito.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News