Natukoy na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng babaeng pinatay at isinilid sa kahon na karton sa Cebu City. Ang biktima, 19-anyos na mula sa Davao de Oro.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing kinilala ng mga kaanak na nagpunta sa punerarya ang bangkay ng biktima na si Rhea Mae Tocmo.
Umaga nitong Lunes nang makita ng isang naglilinis sa kalsada ang kahon na may bahid ng dugo na nasa gilid ng kalsada sa Barangay Tisa sa Cebu City.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare, spokesperson, Regional Director, PRO-7, nakatulong ang tattoo sa kaliwang braso ng biktima para madali itong makilala ng kaniyang kamag-anak.
Hinihinala ni Pelare na nakaranas ng matinding pagpapahirap ang biktima dahil na rin sa kalagayan nito nang makita sa kahon.
Hindi na nagbigay si Pelare ng detalye sa ginagawa nilang imbestigasyon at inilarawan niyang may pagka-"sensitibo" ang kaso.
"We will not give specific timeline sa investigator because we want this case solve. We want this properly and thoroughly investigated," anang opisyal.
Ayon sa ulat, kabilang sa sisilipin ng mga awtoridad ang naging trabaho ng biktima. --FRJ, GMA Integrated News