Nagtawanan umano ang mga batang kalaro ng 12-anyos na biktima nang imuwestra nila sa lola nito kung anong kahalayan ang ginagawa ng 58-anyos na suspek sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, sinabing isang pipi't bingi ang biktima, at kamag-anak pa man din nito ang suspek.

Lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na tinawag umano ng suspek ang biktima na pumasok sa bahay nito.

Nang nakapasok sa loob ng kuwarto ang biktima, doon na umano ginawa ng suspek ang pang-aabuso.

Inamin naman ng suspek ang krimen na dala umano ng kaniyang labis na kalasingan.

"Parang alam ko singko minutos tapos tumakbo na rin yung bata. Kaya lang hindi ko talaga alam sa sobrang nakainom talaga ako," ayon sa suspek na nakadetine sa himpilan ng pulisya.

Ayon sa lola ng biktima, sinabi ng mga bata na nakita nila ang ginawa ng suspek. Nagtawanan pa umano ang mga bata nang tanungin niya kung ano ang ginawa ng suspek at iminuwestra nila ito sa pamamagitan ng paggalaw ng katawan.

Isinasailalim sa counseling at debriefing ang biktima, habang mahaharap sa kasong sexual assult at statutory rape ang suspek.--FRJ, GMA Integrated News