Patay na at nakahandusay sa gilid ng kalsada sa tabi ng kaniyang motorsiklo ang isang lalaki na pinagbabaril ng nakatakas na salarin sa Tanauan City, Batangas.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Leonel Castillo, 38-anyos, residente ng Barangay Altura South sa nasabing lungsod.
Ayon sa pulisya, galing sa trabaho at pauwi na ang biktima sakay ng motorsiklo nang tambangan ng salarin sa bahagi ng Barangay Cale.
"Binabagtas niya ang kahabaan ng Tanauan-Talisay-Tagaytay Road, tapos pumasok siya papuntang Bilog-bilog, sinundan siya. Tapos nang makatapat sa kaniya ay pinagbabaril na yung biktima. Bandang gilid sa may left side," ayon kay PSMS Rhandie Manzanilla, chief investigator ng Tanauan city police.
Anim na basyo ng bala ng kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa kinakasama ng biktima na si Regina, dati nang may nakaalitan si Castillo.
"Isa lang naman po ang nakaaway, wala po siyang ibang kaaway. Napakabait po ng taong 'yan, sana mahuli, makulong kung sino man ang gumawa. Pero wala ho kaming ibang iniisip na gagawa kundi siya lang po," sabi ni Regina.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng suspek.--FRJ, GMA Integrated News