Nagbuwis ng sariling buhay ang isang senior citizen sa kagustuhang mailigtas ang alagang aso na nalaglag sa dagat mula sa seawall sa Sta. Catalina, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Rodolfo Zamora, 73-anyos, ng Barangay Paratong.
Ayon sa mga awtoridad, ipinapasyal ni Zamora at kaniyang asawa ang alagang aso sa tabing dagat bago maganap ang trahediya.
Nang pakawalan umano ni Zamora ang aso, napunta ito sa seawall at nahulog sa dagat.
Sa kagustuhan na sagipin ang aso sa gitna ng malakas na alon, bumaba sa hakdan ng seawall ang biktima at siya man ay nahulog sa dagat.
Sinikap umanong isalba ang biktima pero idineklara siyang dead on arrival nang madala sa ospital.
Samantala, hindi na nakita pa ang aso, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News