Nakatakdang sampahan ng reklamo ang isang pulis sa Bacolod City dahil umano sa pananakit sa dalawang menor de edad, ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes.
Sinuntok at tinuhod daw ng pulis na si Police Staff Sergeant Harry Gonzaga ang dalawang menor de edad matapos tamaan ng bato ang kaniyang sasakyan nitong nakaraang Lunes.
Batay sa imbestigasyon, naglalaro ang dalawang bata kasama ang ilang kaibigan nang magkapikunan at mambato ang isa sa kanila. Aksidente namang tinamaan ang nakaparadang sasakyan ni Gonzaga.
Nagkaharap na sa barangay sina Gonzaga at ang pamilya ng mga biktima. Bagama't humingi na ng paumanhin ang pulis, desidido pa rin ang pamilya ng mga biktima na magsampa ng reklamo.
Sinubukan ng news team na kunin ang panig ni Gonzaga pero hindi siya sumasagot sa mga text o tawag.
Ayon sa Negros Occidental Police, restricted on camp ang status ni Gonzaga habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. —KBK, GMA Integrated News