Patay ang isang waiter sa bar sa Iloilo matapos siyang barilin ng riding in tandem. Ang biktima, nakuhanan sa CCTV camera na sakay ng kaniyang motorsiklo at hinabol ng dalawang salarin.

Sa ulat ni Zen Quilantang ng One Western Visayas sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Alejandro Panes Jr., na nagtamo ng tama ng bala sa likod na tumagos sa kaniyang sikmura.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na sakay ng motorsiklo sa Molo, Iloilo na hinahabol ng mga salarin dakong 2:57 am nitong Martes.

Maya-maya pa, dalawang putok ng baril ang nadinig.

Isang nakaparadang kotse ang tinamaan din ng bala ang windshield.

Ayon sa pulisya, kahit may tama na ng bala, nakarating pa ang biktima sa isang gasolinahan para makahingi ng tulong.

Naisugod pa sa ospital ang biktima at nakausap ng mga awtoridad. Bago bawian ng buhay, sinabi umano ng biktima na hindi niya kilala ang mga humabol sa kaniya.

Wala ring alam ang pamilya ng biktima kung mayroon itong nakaaway.

Nagdadalamhati ang pamilya ng biktima na mayroong tatlong anak na naulila.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlang ng mga salarin.--FRJ, GMA Integrated News