Lumutang sa ilog sa Villaba, Leyte nitong umaga ng Huwebes ang katawan na walang ulo ng isang magsasaka na pinatay umano ng kaniyang kainuman.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes,  sinabing umawat umano ang biktima sa pagtatalo ng suspek at karelasyon ng huli.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na pinipigilan na umano ng karelasyon na makipag-inuman pa ang suspek dahil lampas hatinggabi na.

Pero sa halip na kumalma ang suspek, pinagbalingan nito ang biktima na kaniyang pinagtataga sa leeg at inihulog sa ilog ang katawan.

Nakita ang katawan ng biktima sa katabing barangay.

Sumuko naman sa pulisya ang suspek at inako ang nagawang krimen.

Nakita naman sa bahay ng suspek ang patalim na ginamit nito sa krimen. —FRJ, GMA Integrated News