Nauwi sa madugong engkuwentro ang naunang insidente ng pamamaril sa isang delivery rider sa Naga City. Habang nagsisiyasat ang mga pulis, isang bahay ang pinuntahan nila para silipin ang kuha ng CCTV camera sa labas nito pero bigla silang binaril ng nakatira rito na ikinamatay ng isang pulis.
Sa ulat ni Cris Novelo ng GMA Regional TV "Balitang Bicolandia" sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing una munang nakita ang nakabulagtang delivery rider na may tama ng bala ng baril sa ulo sa isang subdibisyon sa Barangay San Felipe.
Kritikal umano ang kalagayan ng naturang delivery rider.
Nang dumating ang mga pulis para magsiyasat, pinuntahan nila ang isang bahay na may CCTV sa labas bilang bahagi ng imbestigasyon pero bigla umanong namaril ang nakatira rito na si Eric Sison.
Isang pulis ang tinamaan ni Sison at nasawi.
Napatay din kinalaunan sa engkuwentro si Sison.
Ayon sa ulat, may dati nang record ng indiscriminate firing and scandal at ilang beses nang pina-rehab dahil sa paggamit ng ilegal na droga si Sison.
Nakuha umano sa bahay nito ang ilang baril at mga bala na sinasabing walang kaukulang dokumento.
Hindi pa batid ng mga awtoridad kung si Sison din ang bumaril sa delivery rider.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.--FRJ, GMA Integrated News