Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang isang dentista matapos na salakayin ng dalawang lalaki sa loob ng kaniyang klinika sa Mandaue City, Cebu, at tinusok ang kaniyang mga mata.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang biktima na Dr. Charles Sia, 41-anyos, na pinukpok din ng mga salarin sa ulo.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nakapasok sa clinic ang dalawang suspek matapos na magpanggap na delivery rider nitong Miyerkules ng hapon.

Nang makapasok na, pinosasan ng mga suspek ang dentista, pati ang kaniyang sekretarya at dalawang pasyente.

Sinabi umano ng mga salarin na may atraso ang dentista sa kanila at saka doon pinukpok sa ulo bago tinusok ang kaniyang mga mata.

“Based on the interview of the victim, hindi nakita ng victim natin kung anong ginamit na pantusok kasi nabagok na nga siya. Ang sinabi lang nila sa victim natin na on bisayan term, dako kaayo kag sala nako, [malaki ang kasalanan mo sa akin],” sabi Police Captain Mark Don Alfred Leanza, hepe ng Cebu City Police Office Station 2.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital si Sia pero hindi pa matiyak kung maayos na makakakita pang muli ang biktima.

‘“Sinabi ng doktor is functioning naman siya, but, we do not know yet kung ang level ng functionability ng mata is 100%,” dagdag ni Leanza.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon at ang pagtugis ng pulisya sa mga salarin. Isa sa mga tinitingnang motibo sa krimen ang personal na away.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News