Nasawi ang isang katao habang naospital ang pitong iba pa matapos makakain ng nakalalasong uri ng alimasag na devil reef crab sa Liloy, Zamboanga del Norte.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes, isinalaysay ng isa sa mga biktima na nagpunta sila ng kaniyang tiyuhin sa dalampasigan para sana manghuli ng kalaskalas.
Gayunman, may nakita silang ibang klase ng alimasag na isa palang devil reef crab.
Matapos lutuin at kainin ang alimasag, nagsimula nang mamanhid ang katawan ng mga mag-anak.
Nasawi sa ospital ang tiyuhin ng isa sa biktima dahil sa hirap sa paghinga.
Sinabi ng isang doktor sa Zamobanga City Medical Center, kung saan inilipat ang iba pang pasyente, na may neurotoxins and devil reef crab at hindi dapat kinakain. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News