Arestado ang isang lalaki sa Masantol, Pampanga matapos mahuling binubugaw umano ang 10-taong gulang na pamangkin sa online kalaswaan.
Ayon sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras," naaktuhan ng NBI International Operative Division sa isang operasyon kasama ang US Homeland Security at DSWD ang suspek sa nagsasagawa ng online kalaswaan.
Ang target ng operasyon, kinakasangkapan umano ang kanyang menor de edad na pamangkin sa krimen.
Sinagip ng mga awtoridad ang 10-taong gulang na biktima at tatlong pang menor de edad na nasa loob ng bahay.
Ayon sa NBI, nag-ugat ang operasyon mula sa impormasyon na ibinigay sa kanila ng US Homeland Security.
Ayon kay NBI spokesperson, Atty. Gisele Garcia - Dumlao, nakahuli ang US Homeland Security ng isang US national na in possession ng sexually explicit materials.
Nakita na ang source at origin sa ilan sa mga ito ay nagmula sa Pilipinas.
"Ginagamit niya ang kanyang 10-year-old na pamangkin sa isang live online na show. So agad nating hinuli itong suspek," ayon kay Garcia-Dumlao.
Nahaharap naman ang suspek sa mga kasong paglabag ng Anti-Human Trafficking Act at Child Abuse in relation to Cybercrime Prevention Act.
Kakasuhan din ang mga magulang ng bata dahil ayon sa NBI, aam ng mga ito ang ginagawa ng suspek.
Sinusubukan pang kunin ng GMA Integrated News ang pahayag ng suspek.
Paalala ng NBI
Patuloy pinapaalalahanan ng NBI na huwag magdalawang-isip sa pagsumbong ng mga posibleng insidente ng online child sex trafficking.
“Kapag may mga senyales ng pang-aabuso o mga inappropriate na pinapagawa sa kanila ay huwag matatakot at mahihiya na lumapit sa mga magulang o sa mga persons in authority katulad ng kanilang mga teacher or mga opisyales ng barangay,” ani ng NBI Spokesperson. — Jiselle Casucian/BAP, GMA Integrated News