Patay na nang matagpuan sa loob ng pinagdikit na drum ang isang kasambahay na ilang araw nang nawawala sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Maribel Vilma Bacsal, 42-anyos, na huling nakitang buhay noong Huwebes matapos pumasok ng trabaho.
Nakita ang bangkay ng biktima sa loob ng dalawang drum na pinagdikit sa mismong bakuran kung saan siya namamasukan.
Ayon sa tiyahin ng biktima na nagtatrabaho rin sa pinapasukan ni Bacsal, tinanong pa niya ang kanilang amo kung nasaan ang pamangkin nang hindi ito makauwi ng bahay.
“Pumunta sila dito, wala. Wala daw 'di raw pumasok. Nitong Linggo na, eh di ako na schedule ko. Ako ang pumasok, doon ko na nakita gamit niya. Sabi ko, 'te sabi mo 'di pasok, Vilma'. Sabi niya 'ay, di ko alam limot ko na’,” anang tiyahin na si Ruby Bacsal.
Ang mag-asawang inaalagaan ng biktima ang kasama raw nito sa bahay. Dahil parehong matanda ang dalawang inaalagaan, palaisipan pa sa mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng krimen.
“Dalawang drum na pinagpatong. Pinasok siguro sa loob tapos tinakpan ng isa pang drum. Noong pinasok namin, medyo mahirap buksan. Siguro i-sineal pa noong binuksan nga namin, kita na namin yung paa,” ayon kay Police Major Alfonso Saligumba III ng Cainta Police Station.
Sinusuri na umano ng mga awtoridad ang mga CCTV camera malapit sa lugar upang alamin kung may makatutulong sa paglutas sa krimen. --FRJ, GMA Integrated News