Isang asong naligaw sa kalapit na bahay sa Banna, Ilocos Norte ang walang-awang kinatay, at ang ulo ay ibinalik pa sa amo nito.
Ayon sa eksklusibong report ni Dano Tingcungco sa "24 Oras Weekend" ngayong Linggo, kuwento ng amo ng asong si Champ na tatalian na raw na sana nila ang alaga nang bigla itong tumakbo.
Ayon sa kanilang kapitbahay, pumasok ito sa isang compound sa kalapit-bahay "Sa gabi po, papakainin ko sana. Wala po siya. Sabi ng kinakasama ko, hayaan mo babalik din 'yun agad," ani may-ari ni Champ.
Pero patay, pugot at pira-piraso na raw si Champ nang ibinalik sa kanila.
Nang hingiin na nila ang labi nito para mailibing, "Sinabi niya po sa akin na yung dalawang taong nagkatay, kinatay na raw yung aso...Sinabi nila na ibabalik nila 'yung natirang karne, tyaka yung ulo, binalik din sa amin," dagdag ng may-ari ng aso.
Sinabi pa raw ng mga pumatay kay Champ na pinagpapalo nila ito hanggang sa mamatay at kinatay, matapos umanong kumain ito ng dalawang pato sa lugar.
Nag-sorry daw ang kanilang kapitbahay na natakot anila sa aso dahil sa mga kaso ng rabies sa lugar.
"Pasensya na raw kasi kinain daw yung pato, nakaperwisyo raw," sabi ng may-ari ng aso. "Sabi naman namin sana pinabayaran niyo na lang sa akin yung pato. Bakit kinatay 'yung aso ko?"
Ini-report na nila ang insidente sa pulisya, at magsasampa sila ng kaso sa kumatay sa kanilang alaga.
Ayon sa Philippine Animal Welfare Society, kabilang sa exceptions sa Animal Welfare Act sa pagpatay ng aso ay kung para ito sa religious ritual o para sa self-defense. Pero ang nangyari kay champ---
"'Yung mga dahilan ng mga tao na akala nila acceptable kapag pinapatay ang mga pato o kung anumang reason, hindi ito under ng any exceptions for the killing of an animal," ani Philippine Animal Welfare Society executive director Anna Cabrera.
"Hindi talaga rason yung pagpatay kasi rampant talaga sa area na 'yan na nagkakatay for food, and it's already against the law under the Animal Welfare Act."
Anim na buwan hanggang dalawang taong kulong at multang hanggang P200–250,000 ang parusa sa naturang paglabag. Paalala rin ng PAWS, banta sa public health ang pagkain ng karne ng aso. — BM, GMA Integrated News