Patay sa pananaksak ng kaniyang kinakasama sa kanilang bahay ang isang 26-anyos na babae sa Paracelis, Mountain Province.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Clexy Ilacad, residente ng Barangay Poblacion.

Sumuko naman sa pulisya pagkaraan ng ilang oras ang suspek na si Rodante Palangdao.

Ayon sa pulisya, nag-away ang mag-asawa na nauwi sa malagim na krimen dahil pinagbibintangan ng suspek ang biktima na may iba umanong lalaki.

Mariin namang itinanggi ng mga kaanak ng biktima ang paratang ng suspek na masyado umanong seloso.

Batay sa pahayag ng suspek sa mga awtoridad, pinagsisisihan nito ang nagawa sa kaniyang kabiyak.

Naulila ng biktima ang dalawang-taong-gulang nilang anak ng suspek. --FRJ, GMA Integrated News