Hindi bababa sa 10 katao ang nasugatan sa pagsabog na naganap sa isang Korean restaurant sa isang mall sa Calapan City, Oriental Mindoro. Ilang sasakyang nakaparada sa labas ng mall ang napinsala.
Sa video na ipinost sa Twitter ni Luisito Santos ng Super Radyo dzBB, sinabi ni PNP Public Information Office (PIO) chief Police Colonel Redrico Maranan, LPG tank leak ang dahilan ng pagsabog at hindi gawa ng terorista.
“Sa report ng Bureau of Fire Protection ay lumalabas sa kanilang pagpagsisiyasat ay isang LPG tank, na nagkaraoon ng leak at iyon ang nag-accumulate at iyon ang naging dahilan ng pagsabog so wala namang dapat ikabahala ang ating mga kababayan sapagkat ito’y isang aksidente,” ani Maranan.
“Sinasantabi na natin ‘yung anggulong terorismo,” dagdag niya.
Una rito, sinabi ng Police Regional Office (PRO) Mimaropa chief Police Brigadier General Joel Doria, na kabilang sa mga nasugatan ang apat na tauhan ng restaurant, isang delivery boy, at 10 iba pa.
Napinsala rin ng malakas na pagsabog ang nasa 12 sasakyan.—FRJ, GMA Integrated News