Patay sa pamamaril ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo ang isang barangay tanod sa Candelaria, Quezon. Ang biktima, pauwi na matapos ihatid sa paaralan ang kaniyang anak.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Randy Tapero.

Ayon sa pulisya, sakay ng tricycle si Tapero at pabalik na matapos ihatid ang anak sa paaralan nang pagbabarilin siya ng mga suspek sa Barangay Pahinga Norte.

"Binantayan na siya pagbalik and then doon na siya binaril. Yung pagkagaling niya sa school papunta ng Barangay Pahinga Norte," ayon kay Police Captain Lovelyn Laluno, PIO, QPPO.

Bagaman may lead na umano ang mga awtoridad, tinitingnan daw ang lahat ng posibleng motibo sa krimen kabilang na ang trabaho ng biktima bilang isang tanod.--FRJ, GMA Integrated News