Nadakip ng mga awtoridad ang isang lalaking wanted sa Antipolo City, Rizal dahil sa tangkang pagpatay. Madadagdagan pa ito ngayon matapos na makita ang baril na nakasuksok sa kaniyang brief.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Marcelo Boscosa, na wanted sa kasong attempted murder at sangkot din umano sa bentahan ng ilegal na droga.

Nang posasan na si Bascosa, nakuha pa sa kaniya ang isang paltik na baril na nakatago sa kaniyang underwear.

May nakuha rin umanong mga bala at hinihinalang shabu sa kaniyang bulsa.

Base sa impormasyong hawak ng pulisya, sinabing nangyari ang kinakaharap na kasong attempted murder ng suspek noong nakaraang Mayo sa Antipolo City.

Niresbakan umano ng suspek at tinaga ang nakaaway ng kaniyang mga kababayan.

Ngunit nakipag-areglo umano sa biktima ang dalawang tao na tinulungan ng suspek at siya ang inilaglag sa nangyaring krimen.

“Hindi ko naman talaga kaaway ‘yan, humingi lang ng tulong ‘yung kapitbahay ko. Eh, ako napasubo diyan. Inareglo nila ‘yung sarili nila, ako naman ang nadiin,” sabi ni Boscosa.

Ayon kay Police Major Leopoldo Cajipe, hepe ng CIDG – Rizal, sinabi ng mga taga-komunidad na isa ring pusher sa barangay ang suspek.

Idinahilan naman ng suspek na pang-depensa niya ang nakuhang baril sa kaniya, at inamin din ginagawa niyang hanapbuhay ang ilegal na droga. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News