Inireklamo ng isang binatilyo ang ilang pulis na pinahiran umano ng sili ang maselang bahagi ng kaniyang katawan noong magsumbong siya sa checkpoint sa Don Marcelino, Davao Occidental.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles, inilahad ng menor de edad na complainant na humingi siya ng tulong sa pulisya sa Sitio Pamongot sa Barangay Talagutong dahil hahampasin siya umano ng tatay niyang nakainom.

Ngunit sa halip na tulungan, tila napagdiskitahan umano ng pulisya ang lalaki at pinahiran ng sili ang pribadong bahagi ng kaniyang katawan.

Humingi ng tulong ang lola ng biktima para matukoy ang gumawa nito sa kaniyang apo.

Dumulog at nagreklamo na sila sa Women and Children’s Protection Desk ng PNP.

Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang Don Marcelino Police hinggil ang insidente. —Jamil Santos/KG, GMA News