Sinalakay ng tinaguriang "termite gang" ang isang sanglaan sa San Jose Del Monte, Bulacan, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, may nakitang butas sa sahig ng pawnshop nitong Martes ng umaga.

Nakadugtong daw ang butas sa kanal na pinaniniwalaang hinukay ng mga suspek. Na-recover sa crime scene ang ilang gamit sa paghuhukay.

Hindi pa matukoy ang kabuuang halaga ng mga natangay na pera, alahas at iba pang ari-arian mula sa pawnshop.

Ayon sa pulisya, meron na silang persons of interest at nagsasagawa na rin sila ng backtracking ng mga CCTV sa paligid. —KBK, GMA Integrated News