Nahaharap sa imbestigasyon ang isang taxi driver sa Iloilo City matapos umanong manood ng porno sa kaniyang cellphone habang katabi ang pasaherong isang transgender.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, sinabing magsasagawa ng imbestigasyon sa insidente ang lokal na pamahalaan at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board-Region 6.
Kinunan ng video ng pasahero na itinago sa alyas na "Ken" ang insidente.
Ipinost niya ito sa social media para bigyan ng babala ang ibang pasahero na maaaring mabiktima umano ng driver.
Ayon kay Ken, ang nasa isip niya na lang ng sandaling iyon ay ang kaniyang kaligtasan na baka mayroong dalang patalim ang driver.
Sa video, makikita pa na hinahawakan ng driver ang kamay ng kaniyang pasahero, na nagkaroon umano ng trauma sa pangyayari.
Nakipag-ugnayan na umano ang Iloilo City LGU sa biktima para sa isasagawang imbestigasyon kasama ang LTFRB.
Ikinadismaya rin ng presidente ng asosasyon ng taxi operator sa Panay ang insidente.
"Para sa akin even if it is an isolated case somehow we need to really act on it whoever is that guy," ayon kay Perfecto Yap, President-ATOP.
Sinusubukan pang makuha ang panig ng taxi operator at driver tungkol sa insidente, ayon sa ulat. —FRJ, GMA Integrated News