Kinailangang sirain ang lagusan sa palikuran ng isang tindahan ng gulong sa Urdaneta City, Pangasinan nang may bumulagang makamandag na kobra na mula sa loob ng inidoro.
Sa ulat ni Claire Lacanilao ng One North Central Luzon sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing isang babae na gagamit ng banyo ang nakakita sa kobra.
Kinailangang butasin ang palikuran ng tindahan sa Barangay Nancaya para mapasok ang lagusan na konektado sa inidoro upang hanapin kung saan naglulungga ang ahas.
Kinalaunan, isang patay at isang buhay na kobra ang nakita sa loob nito.
Ibibigay umano sa Department of Environment Natural Resources ang nahuling buhay na ahas. --FRJ, GMA Integrated News