Rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protections (BFP) sa Cagayan de Oro City hindi para mag-apula ng sunog kung hindi para sumagip ng aso.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao, sinabing naipit ang katawan ng aso sa pagitan ng mga bakal na bakod sa bahay ng kaniyang amo.
Para maialis sa pagkakaipit, binuhat ng isang bumbero ang aso para hindi pumiglas, habang maingat naman na ipinuwesto ng isa pang lalaki ang katawan ng hayop para magkasya sa pagitan ng mga bakal.
Makaraang ang ilang minuto, ligtas na naialis ang aso sa pagkakaipit na hindi kinailangang sirain ang bakod.
Ang residente na si Zian Bisquera na nakita ang ginawang pagsagip sa aso, ikinatuwa ang ginawa ng mga bumbero.
"That was a great job sa Ilang part so very thankful,” ani Bisquera na isa ring fur parent.
Sinabi naman ni BFP-Cagayan de Oro District spokesperson fire inspector Samson Velarde, na bahagi rin ng kanilang tungkulin at pagsasanay ang sumagip ng buhay--tao man o hayop, at hindi lang sa pagtugon sa sunog.-- FRJ, GMA Integrated News