Pinagsasaksak ng amain habang natutulog ang tatlong batang magkakapatid na edad lima, pito, at 10 sa loob ng kanilang bahay sa Caraga, Davao Oriental. Dalawa sa mga biktima ang nasawi, habang kritikal ang isa pa.
Sa ulat ni Jaycel Villacorte sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang krimen kaninang madaling araw sa Barangay San Jose.
Suspek sa krimen ang amain ng mga bata na si Mario Indawa, 42-anyos. Kritikal din ang kaniyang kalagayan matapos na magsaksak sa sarili.
FLASH REPORT: Dalawa sa 3 magkakapatid, patay habang kritikal naman ang isa pa matapos silang pagsasaksakin ng kanilang amain sa Brgy. San Jose, Caraga, Davao Oriental; suspek, nasa kritikal na kondisyon matapos tangkaing magpakamatay. | via Jaycel Villacorte, Super Radyo Davao pic.twitter.com/oWgB62C4LK
— DZBB Super Radyo (@dzbb) June 7, 2023
Ayon sa pulisya, wala ang ina ng mga bata nang mangyari ang krimen.
Hinihinala ng mga awtoridad na matinding selos ang nagtulak sa suspek para gawin ang krimen. --FRJ, GMA Integrated News