Naniniwala ang Davao City Police Office na planado ang ginawa ng mga suspek sa 28-anyos na babaeng architect na ginahasa at pinatay. Ang kaanak naman ng isang suspek, may hamon sa sinasabing mga testigo ng mga awtoridad.
Sa ulat ni Jandii Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao, ipinakita ang ginawang link analysis ng Special Investigation Task Group (SITG), tungkol sa apat na suspek na sinampahan na ng reklamong rape with homicide.
Kinilala ang mga suspek na sina Dennis Roy Panzan, Kent Laurence Espinosa, Renato Ali Bayansao, at isang lalaki na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Si Bayansao umano ang nagmamaneho ng tricycle o tricab na sinakyan ng biktima kung saan siya huling nakitang buhay sa CCTV camera.
Naaresto si Bayansao noong Mayo 28 sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga awtoridad.
Samantala, patuloy na nawawala si Espinosa na umano'y dinukot noong Mayo 27.
Nasawi naman si Panzan makaraang mawalan ng malay habang nasa Talomo Police Station.
Bago nito, dinukot umano si Panzan pero nakatakas at tinulungan ng sibilyan na madala sa himpilan ng pulisya.
Sa apat na suspek, tanging si Bayansao lamang ang nasa kostudiya ng mga awtoridad.
Ayon kay Police Colonel Alberto Lupaz, Director, Davao City Police Office, dalawang testigo ang hawak nila na nagtuturo sa partisipasyon ng mga suspek sa krimen.
Ang isa sa dalawang saksi, suki umano sa meat shop kung saan nagtatrabaho si Panzan.
Magkakakilala umano ang mga suspek at posibleng napagtripan ng mga ito ang biktima na nakikita nila kung saan sumasakay at bumababa.
Sinabi ni Lupaz na patuloy nilang hinahanap ang tricycle na ginamit ng mga suspek sa krimen.
Samantala, sa hiwalay na ulat ni Rgil Relator, nanindigan ang pamilya ni Bayansao na wala itong kinalaman sa krimen.
Hinamon ng asawa ng suspek ang mga testigo na sumailalim sa lie detector test.
Iginiit ng asawa na hindi nagmamaneho ng anumang sasakyan si Bayansao dahil wala itong driver’s license.
Natutulog umano ang kaniyang asawa nang paslangin ang biktima, at hindi rin nito kilala ang itinuturong ibang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News