Nauwi sa malagim na krimen ang pagtatalo ng mag-live in partner sa Mabini, Pangasinan. Ang lalaki, nagdilim umano ang paningin at sinaksak ang babae matapos na magbanta umano ang biktima na makikipaghiwalay na.
Sa ulat ni Russel Simorio sa Mornings with GMA Regional TV nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Hazel Catiple, ng Barangay De Guzman.
Nasa kostudiya naman ng mga awtoridad ang suspek na si Lyndon Lapaylapay, 22-anyos.
Ayon sa pulisya, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa loob ng kanilang bahay ang dalawa. Nagdilim umano ang paningin ng suspek nang magbanta ang babae na makikipaghiwalay na.
"Yung babae, pilit na umaalis sa bahay. Ngayon, hinabol siya ng lalaki ayaw niyang palabasin ng pinto. Hinawakan niya sa leeg, yung kutsilyo nakuha niya at nasaksak niya ang babae," pahayag ni PSSG. Daryl Buenaflor, imbestigador ng Mabini Police Station.
Sasampahan ng pulisya ng kasong murder ang suspek, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News