Nasa kritikal ang lagay ng isang aso na nagpapahinga lamang sa kalsada matapos itong barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Kidapawan City.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita sa CCTV na ipinadala sa GMA Integrated News ng isang hindi nagpakilalang source, na nagpapahinga nang tahimik ang dalawang aso sa isang subdivision gabi ng Miyerkoles.
Ngunit ilang saglit pa, tila namilipit sa sakit ang isa sa mga aso matapos siyang barilin, habang tumakbo ang isa pa.
Maririnig sa video ang ungol ng aso na tila humihingi ng saklolo.
Sinabi ng source na may ilang nakarinig sa putok ng baril na lumabas at nagmalasakit na saklolohan at iuwi ang aso.
Kinaumagahan, pinuntahan ni City Veterinarian Dr. Eugene Gornez ang aso para tingnan at gamutin.
Lumabas sa x-ray na tinamaan ng bala ang buto sa bandang likod ng aso ngunit hindi ito tumagos palabas.
Sinabi ng beterinaryo na maliit na ang tiyansang makaligtas ang aso.
Hawak na ng Kidapawan City Police ang kopya ng CCTV footage, at iniimbestigahan kung saang direksyon nagmula ang bala at kung sino ang may-ari ng armas.
Kinondena ng mga animal welfare advocate ang pamamaril sa aso. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News