Labis ang naging stress ng isang customer matapos umabot sa P1.1 milyon ang singil sa kanilang kuryente sa Calapan, Oriental Mindoro.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, sinabing 6,381 kilowatt-hours ang konsumo ng customer, na dapat sana ay mahigit P54,000 lamang ang bill, kung gagamiting basehan ang P8.50 per kilowatt-hour rate sa statement of account.
“With regard po doon sa nag-trending recently sa Facebook na electric bill amounting to P1M+, we admit that our meter reader has committed an error because of double entry of one digit (minsan 'di po maiwasan because of the position of the kWh meter, weather condition, digital type of meter, etc...),” sabi ni Moira Lee Vilan, Member Services Division Supervisor ng Oriental Mindoro Electric Cooperative, Inc. (ORMECO).
Ayon kay Vilan, na naitama na nila ito at naibigay na ang tamang statement of account sa customer.
Nakiusap naman ang ORMECO na magsumbong sa kanila kung may reklamo ang mga customer sa bill at huwag agad mag-post sa social media. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News